Daboy biglang naalala

Nanghihinayang si Senator Antonio “Sonny” Trillanes dahil hindi siya nagkaroon ng pagka­kataon na makilala ng personal si Rudy Fernandez.

Nagkita kami kahapon ni Papa Sonny sa presscon para sa kanya na ipinatawag ni Mother Lily Monteverde.

Sinabi sa akin ni Papa Sonny ang kanyang regret dahil hindi sila nagkakilala ni Daboy at hindi siya nakapagpasalamat sa namayapa na action star.

Nakakulong si Papa Sonny sa Fort Bonifacio nang kumandidato siya sa pagka-senador noong 2007. Nabalitaan ni Papa Sonny na paborito siya ni Daboy at nagsuot ito ng kanyang campaign T-shirt.

Naniniwala si Papa Sonny na nakatulong sa kandidatura niya ang indirect endorsement ni Daboy at isa ito sa mga nagpanalo sa kanyang senate candidacy noong 2007.

Tinawag na Pinky ni Senator Miriam Defensor-Santiago si Senator Panfilo Lacson.

Pero ipinagtanggol ni Senator Trillanes si Papa Ping. Ang sabi ni Papa Sonny, tunay na lalake si Papa Ping. Nagkataon lamang daw na pino o refined ang kilos ni Papa Ping kaya iniintriga ni Mama Miriam ang kanyang pagkatao.

Aminado si Mother Lily na taklesa siya kaya kahapon, buong ningning na sinabi ng aking favorite movie producer na kapag na-reincarnate siya, type niya na pakasalan si Senator Trillanes.

Natawa ako sa kataklesahan ni Mother na kilig na kilig nang i-reveal niya ang nararamdaman para kay Papa Sonny.  Mahihiya kay Mother ang isang female high school student na first time na nagkaroon ng crush.

Maaga ang calltime ng presscon kahapon para kay Papa Sonny dahil bumiyahe pa si Mother Lily sa Pampanga.

Nagsimba si Mother sa Carmelites Convent dahil kabilang ito sa kanyang mga panata.

Hindi nagtagal si Mother sa Pampanga. Bumalik agad siya sa Quezon City dahil sa presscon niya para kay Philippine National Red Cross Chairman Dick Gordon.

Gaya ni Papa Sonny, senatorial candidate din si Papa Dick at suportado ni Mother ang kanyang kandidatura.

Career ni Andrea dala-dalawa ang may hawak

Certified GMA Artist Center contract star si Andrea Torres dahil sa pagpirma niya kahapon ng kontrata sa talent management agency ng GMA 7.

Bale dalawa na ang magpapatakbo sa showbiz career ni Andrea, ang GMAAC at ang All Access To Artists, ang talent management company ng APT Entertainment Inc.

Magsisimula sa June ang taping ni Andrea para sa bagong afternoon teleserye ng Kapuso network na pagbibidahan niya.

Show comments