Mystica ayaw pa ring patalo kay Ai-Ai

Matagal na ang alitan/demandahang Ai-Ai delas Alas/Mystica pero hanggang ngayon tila ayaw pang pakabog ng dancer/singer sa comedy queen.

Aba, nagpakasal din si Mystica sa kanyang higit na batang boyfriend na si indie film actor Troy Montes (Edwin Nuas sa tunay na buhay) at mas matanda pa ang panganay na anak ng reyna ng split sa kanyang mister.

Maligayang-maligaya si Mystica dahil tunay na kasalan sa simbahan ang naganap sa kanya. Say ng singer na wala namang CD, 46 years old pa lang siya. Well, ipakita ang birth certificate para maging credible ang claim.

Roxanne overweight pa

Balik-teleserye si Raymart Santiago sa fanta­seryeng Home Sweet Home, na may palabok pang horror.

Sa isang mukhang haunted house na ancestral home kinukunan ng GMA 7 ang bagong show na magtatampok din sa comebacking actress na si Roxanne Guinoo. Maganda pa rin ang face ng aktres kahit dalawa na ang anak. Noong November 2012 niya lang isinilang ang bunso kaya’t medyo overweight pa si Roxanne.

Tiyak naman ang husay niya sa pag-arte ay intact kaya’t masasabayan ni Roxanne ang mga co-star sa Home Sweet Home lalo pa si Cecilia Rodriguez.

Dolphy nagpapatawa hang­gang sa sariling istatwa

Pinasinayaan na ang statue ng yumaong Comedy King na si Dolphy sa harapan ng Museong Pambata sa Roxas Boulevard sa Maynila. Dumalo ang kanyang mga anak, led by Eric Quizon, mga kamag-anak, at kaibigan sa formal unveiling ng statue na gawa sa copper.

Nakatayo ang porma ni Mang Dolphy sa life-sized statue, nakataas ang kanang kamay na angat ang index finger. Siyempre nakangiti ang Hari ng Komedya at pormal ang kanyang kasuotan.

Nagsisimula nang mag-alay ng mga bulaklak sa rebulto ang mga tagahanga ni Mang Dolphy.

Sana nagkaroon muna ng retrospective showing ng mga pelikula ni Mang Dolphy a few days before the unveiling, lalo na ’yung mga palabas na tunay na pambata para higit na memorable and meaningful ang unveiling ng istatwa.

Puwede pa namang gawin ito sa isang darating na film festival sa bansa o kaya’y sa birthday niya. Ang kita siyempre para sa Dolphy Foundation.

Dapat Tama jingle ng GMA ginamit ng walang alam sa Copyright Law

Isang kandidato sa Marilao, Bulacan ang gumamit ng Dapat Tama election jingle ng GMA. Pinigil agad ang kanyang paglabag sa batas.

Dahilan ng pulitiko, hindi niya alam na bawal ang kanyang ginawa. Tila wala siyang alam sa Copyright Law o batas na nagbabawal ng intellectual piracy. Ano kaya ang karapatan niyang maging lingkod bayan kung bopol sa batas na matagal nang pinaiiral?

Naalala tuloy namin ang isang mambabatas na hayagang ginamit ang isang popular na kanta. Nang sitahin siya ng kumpanyang may-ari ng copyright ng pop song, dinuro pa niya ang head ng publishing company at pinalayas sa kanyang bahay habang tinatakot na idedemanda pa niya!

I-Shine naghahanap pa ng mga batang may talent

Sa mid-May pa ang simula ng I-Shine Talent Camp  2 para sa mga bagets from three to seven years old. Maaari pa kayong mag-apply upang mapiling mga participant sa summer workshop for children.

Ang mapapalad na 12 finalists ay mapapanood sa telecast ng I-Shine to be hosted by Dimples Romana at Matteo Guidicelli and Xian Lim. Puwede pang magtungo ang parents with their talented children sa ABS-CBN to audition for the talent show.

Dina biniyahe ang mga antique para sa bagong restaurant ng mister

Bukas na ang Victorino’s na Ilocano restaurant sa 11 Jamboree Street at Sct. Rallos sa Quezon City na pag-aari ng magkakapatid na Savellano, kasama ang mister ni Dina Bonnevie, si Ilocos Sur Vice Governor DV Savellano.

Mukhang isang old Ilocos home ang restaurant, pati na ang interiors nito. Biniyahe pa ni Dina ang kanilang mga antique from Ilocos upang maging dekorasyon ng Ilocano specialty house.

Mga pag-aaring resto ng aktres isa-isang nagsara, walang alam sa pinasok na negosyo

Dati’y maraming restaurant ang isang aktres. Sandali lang naging bukas ang kanyang mga negosyo. Isa-isang nagsara ang mga magarang eatery kasi naman ay wala gaanong alam sa food business ang artista, pinasukan pa niya.

Kahit malakas ang loob mo, kailangan ang sapat na kaalaman at personal management upang magtagumpay. Tingnan n’yo si Marvin Agustin, lalong dumarami o lumalago ang mga negosyong pagkain.

Show comments