Martin nakabalik na sa dating porma

Iba ang nagagawa ng sariling show. Bumalik sa dating porma si Martin Nievera kahit medyo chubby pa rin. Maaliwalas ang kanyang mukha at confident siyang host. Nakakaaliw pa ring mag-interview ang Big Mouth sa Martin Late @ Night (tuwing Biyernes ng hatinggabi).

Sa nakaraan nilang dalawang episodes ay mga matatalino at madadaldal na aktres ang naimbita. Nakakasabay sila — KC Concepcion at Toni Gonzaga — sa humor at pag-i-Ingles ng singer-TV host. Pero paano kapag naubos

na ang mga articulate sa Ingles na Kapamilya guests at kailangan nang interbyuhin kunwari si Melai Cantiveros o si Angeline Quinto?

Kailangang si Martin ang mag-adjust para makasagot ang mga tatanungin niya. Hindi naman puwedeng sina Melai at Angeline ang magpilit at magkapilipit-pilipit sa kanilang conversation sa Concert King na Amerikano ang accent at kapos pa rin sa Tagalog.

Pero madadaan naman siguro ’yun sa mga trivia galing sa celebrity guests na ni-research ng production na kanilang kadalasang ipinapaliwanag sa show. Kaya halos pasundut-sundot na lang ng tanong o komento si Martin.

Ang maganda sanang pagtuunan ng pansin ng Martin Late @ Night ay ang pagpili ng kanta ng kanilang host at ng guest (kung nakakakanta). Kung minsan kasi ay hindi naibubuhos ni Martin ang ga­ling sa pagkanta dahil pangit ang napiling kantahin. At napapaiksi pa ang song number niya dahil halos sa intro lang siya kumakanta.

Tulad ni Martin, nakabalik din uli sa regular na show ang kaibigan at suki niyang si Louie Ocampo.

Rocco parang umaarte sa malaking pelikula

Mapangahas ang original TV special ng GMA News TV na Bayan Ko at maraming papuri at magagandang komento ang naibigay sa unang bahagi ng anim na serye na tumututok sa pulitika ng Pilipinas.

Makikita naman sa trailer pa lang bago ang pilot telecast nung Linggo, March 10, na parang hindi TV show ang kanilang ginawa. Umangat dito si Rocco Nacino, pangunahing tauhan sa original series na gumaganap bilang Mayor Joseph Santiago, na animo’y isang malaking pelikula ang pinagbibidahan.

‘Yun pala, talagang nag-shoot sila ng mini-series na high-definition camera ang ginamit at dumaan sa color grading process na hindi ginagawa ng karaniwang drama series. Binuo ng GMA News TV channel head na si Nessa Valdellon ang Bayan Ko, sa direksiyon ni Adolfo Alix, Jr.

Abangan natin sa Linggo, 6:30 p.m., ang kasunod na bahagi ng istorya ni Mayor Joseph sa Channel 11.

* * *

May ipare-rebyu? E-mail:kibitzer.na.nicher@gmail.com

 

Show comments