Hindi natupad ang planong dalawang beses sanang magpi-present si Nora Aunor sa katatapos na 29th Star Awards for Movies na ginanap nung Linggo, March 10, sa AFP Theater, Camp Aguinaldo sa Quezon City.
Nagkaroon tuloy ng konting tension sa backstage ang production staff ng Philippine Movie Press Club (PMPC) dahil sa miscommunication nang biglang umayaw si Ate Guy na mag-present sa Best Actor category. Narinig lang ng isang staff ang rason na hindi raw makakabasa ng script ang Superstar kaya nag-back out ito, na hindi naman niya nakitang paika-ikang naglakad ang aktres. Pero pagbalik ni Nora sa backstage na after niyang magbigay ng Ulirang Artista Lifetime Achievement Award na si Sen. Lito Lapid ang nanalo na hindi dumating, sumalpak ito sa upuan saka ipinakita ni Ate Guy na magang-maga ang kanyang kanang paa. Saka lang naintindihan ng staff ang sitwasyon ng aktres. Natapilok daw siya habang suot ang kanyang boots pagdating niya galing US kaya ilang araw na siyang paika-ika sa paglalakad.
Behaved ang Noranians kahit umalis na si Ate Guy dahil masakit nga ang mga paa. Nag-stay pa rin ang fans hanggang tawagin na ang Best Actress category na napanalunan ni Angel Locsin. Sport lang ang mga Noranian dahil tinapos din nila ang speech ni Angel. Sabay-sabay na silang tumayo pagkatapos magsalita ng aktres.
“In fairness, hindi nag-walkout ang Noranians ha? Hmmm,†litanya ng isang kafatid na fan ni Nora sabay talikod at magkakasabay na lumabas ng venue.
Hindi nakalimutang magpasalamat ni Angel sa Star Cinema na nagtiwala sa kanya. Sa nerbiyos at sa mga pinagsasabi sa kanyang speech ay nakalimutan niyang banggitin ang kanyang dyowang si Phil Younghusband.
Nagwagi namang Best Actor si Gov. ER Ejercito para sa pelikulang El Presidente.