Limang K-Pop bands magsasanib puwersa sa concert sa Aliw Theater

MANILA, Philippines - Lima sa pinakamaiinit na bagong K-Pop bands ang daragsa ng Pilipinas para sa isang malaking K-Pop concert!

Magsasama ang Tahiti, Excite, A-Prince, Delight, and Mellow:D sa isang power-packed one-night- only concert na gaganapin sa Aliw Theater sa Sabado, ika-9 ng Peb­rero sa ganap ng alas-Siyete ng gabi.  Handog ng CNI Productions, ang concert, na pinamagatang Seoul Invasion, ay sakay sa kasalukuyang ma­tinding popularidad ng K-Pop na kinalolokohan ng mga kabataan dito sa Pilipinas at maging sa ibang bahagi ng mundo.

Ipinakilala ang grupong Tahiti sa isang pre-debut documentary na pinamagatang Ta-dah! It’s TAHITI. Agad silang napansin sa kanilang kaaya-ayang itsura, kanilang galing kumanta, at kakaibang dating.  Mula na’ng sila’y ilunsad noong Hulyo, patuloy na dumarami ng mga tagahangang sumusu­baybay sa kanilang e-book.

Ang Excite naman ay ini­lunsad noong Oktubre sa kanilang awiting Try Again. Dating misteryoso, binago ang kanilang format at sila’y kilala na nga­yon bilang isang kalog na grupo.

Dating kilala ang A-Prince bilang grupong Taken.  Binubuo nina Sung Won, Taehyuk, Min Hyuk, Seung Jun, at Si Yoon, meron din silang debut album na pinamagatang Hello.

Ang Delight naman ay unang pumaimbulog sa larangan ng musika noong 2009, nang ilunsad ang kanilang album na Hedgehog’s Dilemna. 

Rap naman ang specialty ng Mellow:D, na unang nakilala sa kantang Bowwow na sumikat bilang dance track sa music video.  Patuloy silang nakikilala sa buong Asya.  

 Makakabili ng tiket sa Seoul Invasion sa lahat ng SM Ticket outlets sa mga SM Cinema branches sa loob ng SM Supermalls sa buong bansa.  Para sa karag­dagang kaalaman at upang magpareserba, tumawag sa telepono bilang 470- 2222.

Show comments