Nakipagsabwatan para sana kumita ng malaki Aktor na rumaket nang rumaket, nanagot sa manager

Hindi nagugustuhan ng talent manager na ito ang nakarating sa kanyang balita na rumaraket ng sarili ang hawak niyang male celebrity na hindi niya nalalaman.

Napag-alaman niya na ilang beses na palang ginagawa ito ng male celebrity at nabuking lang niya ito kamakailan nang may makasabay siyang isang show producer habang nagbabakasyon sa isang kilalang beach resort.

Lumapit pa raw ang producer sa kanya at nagpasalamat dahil sa pinayagan nitong mag-perform ang kanyang alaga sa tatlong company parties nila.

Nagulat si talent manager dahil wala siyang alam na may tinanguan siyang raket para sa male celebrity na anumang company parties. In fact, nagpasabi pa nga raw ang male celebrity na huwag siyang i-book noong nakaraang Pasko dahil gusto raw nitong magbakasyon.

Kaya sumakay na lang ang manager sa producer para hindi ito mapahiya. Pagkaalis ng producer ay agad siyang tumawag sa opisina niya at hinanap ang road manager ng male celebrity.

Sinita-sita ng manager ang road manager dahil bakit hindi niya nalalaman ang mga raket ng alaga niya? Kapag dinemanda raw niya ang male celebrity masasangkot ang road manager kaya dapat ay magsalita na ito kung ayaw niyang madamay.

Nagsalita na rin ang road manager at inamin niyang nakipagsabwatan siya sa male celebrity dahil binigyan daw siya ng malaking komisyon. Ayaw naman daw niyang gawin iyon kaso kailangan din niya ng malaking kikitain para may maipadala siya sa pamilya niya sa probinsya.

Dahil sa nangyaring ito ay na-cut short ang bakasyon ng manager at nagpatawag siya ng meeting sa mga road managers ng mga alaga niya.

Pinagsabihan niya ang mga ito na huwag na huwag nilang iraraket ang kanyang mga alaga na hindi niya alam dahil hindi siya manghihinayang na sibakin sila at pagbayarin sa anumang komisyon na dapat ay para sa opisina nila.

Sa kaso nga ni male celebrity, hindi niya ito palalampasin. Kinuwenta niya ang mga niraket nito na hindi niya alam na binigay lahat ng road manager nito. Malaking halaga raw ang kinita nito kaya hindi niya ito pababayaan na basta na lang mawala.

Nagpadala siya ng text at email sa male celebrity at sinabi nitong nabuking na nito ang mga ginagawa niyang sariling raket. Kinuwenta niya ang mga komisyon na dapat na ibigay niya sa opisina or else may demanda siyang haharapin  dahil sa paglabag nito sa kontrata niya.

Nakakontrata pa kasi ang male celebrity ng two years sa opisina ng talent manager.

Hindi na nangatwiran ang male celebrity at sumagot na lang daw ito ng “ok” at ide-deposit na lang daw niya sa account ng talent manager ang komisyon nito.

Nag-promise din daw ito na hindi na raraket na hindi alam ng kanyang manager dahil ayaw niyang mademanda at mas malaki pa ang babayaran niya.

 

Show comments