Nang makita namin sa big screen ang trailer ng TV series ni Senador Bong Revilla sa GMA 7, ang Indio, ang naalala namin ay kung gaano kalaki noon ang seryeng Mulawin na siyang una namang ginawa ni Richard Gutierrez.
Hindi natin maikakaila ang katotohanan, sa seryeng iyon bumulusok nang husto ang popularidad ni Richard at ng leading lady niyang si Angel Locsin.
Nagulat kasi ang audience sa ganda ng pagkakagawa, ang production design at ang kanilang mga optical, at aminin na natin ang totoo na noong Mulawin, saka lang talagang nakalaban ang GMA 7 sa primetime na dominated dati ng ABS-CBN.
Nang makita namin ang trailer ni Indio, nasabi namin na mukhang makakabawi na naman sila sa prime time. Matagal din naman silang hindi nakasingit sa mas malalaking serye ng ABS-CBN dahil ang ginamit nila ay iyon lamang kanilang mga artistang medyo mahina na at siguro nga pinagsawaan na sa telebisyon. Ngayon parang bomba iyan, isipin mo Bong Revilla na ganyan pa ang kalidad ng serye, iyan ang patok.
Siguradong laban iyan, ang problema na nga lang nila, ano naman kaya ang itatapat ng ABS-CBN sa seryeng iyan? Natural gagawa lang sila ng panlaban para ma-retain ang prime time supremacy at huwag silang masingitan ng kalaban.
Vic hindi nagpaplano ng kasal kay Pauleen
May lumutang na namang tsismis na magpapakasal na raw si Vic Sotto, pero ang natawa kami sinasabi nilang hindi naman tiyak kung si Pauleen Luna nga ang kanyang pakakasalan. Iyan ang talagang tsismis na tsismis ang dating, na palagay namin malabo pa sa suntok sa buwan.
Sa ngayon kasi, parang malabo pang magpatali si Vic sa mga ganyang responsibilidad. Bakit pa eh happy naman siya sa kanyang buhay? At isa pa, sa rami ng iniintindi niya, siya iyong tipong baka hindi talaga magkaroon ng panahon sa kanyang asawa, at isa nga iyon sa mga dahilan kung bakit ayaw din niya.
Dating bold star, pakalat-kalat sa Luneta kasama ang mga barkadang bakla
Nakita nilang palakad-lakad daw sa Luneta kasama ang ilang bading na barkada ang isang dating sikat na female bold star. Pero mukhang matanda na raw iyon at parang tipong gusgusin na, hindi kagaya noong artista pa siya o noong nagtatrabaho pa sa isang club diyan sa Roxas Boulevard. Eh talagang ganoon, tumatanda rin ang tao at nalalaos din.