Rocco biglang nawalan ng interes kay Sheena

Paliguy-ligoy nga ang sagot ni Rocco Nacino tungkol sa tunay na sitwasyon nila ng nababalitang girlfriend niyang si Sheena Halili.

Sa thanksgiving presscon ng GMA Afternoong Prime kung saan isa ang Yesterday’s Bride sa nagkakamit ng mataas na ratings, hindi tinantanan si Rocco sa mga tanong tungkol kay Sheena at ang madalas na pagkikita nila ng leading lady niya sa series na si Lovi Poe.

Pinagdidiinan nga ng aktor na wala siyang inaamin ni naging girlfriend niya si Sheena. Close lang sila kaya madalas silang makitang nagkakasama.

Pero ngayon ay bihira na sila ni Sheena magkita dahil masyado siyang busy ngayon. Tahimik nga lang ang aktres ngayon at hindi ito nagbibigay ng anumang interview tungkol sa kanila ng aktor.

Natuturo tuloy na may kasalanan sa paghihiwalay ng dalawa ay si Lovi. Natawa na nga lang ang bida ng Yesterday’s Bride dahil wala nga siyang kinalaman sa anumang nangyayaring gulo between Rocco and Sheena.

 “Whatever the problem is between Rocco and Sheena, labas na ako diyan. Sila na lang ang tanungin ninyo about that,” diin pa ng aktres.

John tinatapos na ang launching movie

Inamin ni John “Sweet” Lapus sa launch ng Vivand, ang bagong entertainment division ng Viva Entertainment, Inc. na ka-partner si Andrew de Real, na nagparamdam naman daw siya na gusto niyang maging exclusive sa GMA 7.

Sa anim na taon na inilagi ni Sweet sa GMA 7 ay wala siyang tinanggap na anumang projects mula sa original home studio niya na ABS-CBN 2. Kaya hangad nga niya na sana ay ginawa siyang exclusive star ng Kapuso Network.

 “In fairness naman, kahit na wala akong exclusivity noon with GMA 7, hindi ako tumatanggap ng ibang projects kasi nga there was a time na tatlu-tatlo ang shows ko.

 “Doon ko ipinakita ang loyalty ko sa station na pinagtatrabahuan ko. Ang ginawa ko lang naman ay guest roles for one episode ng Wansapanataym at Ikaw ay Pag-ibig sa Dos. At ‘yung Talentadong Pinoy sa TV5.

 “Tinanggap ko lang naman iyon dahil walang conflict sa mga show ko with GMA 7. Kahit na nga hindi ako exclusive, nagpaalam pa rin ako para gawin ang mga ’yan,” sabi ng gay comedian.

Isang rason kung bakit hindi siya puwedeng ga­wing exclusive ay dahil under management pa rin siya with Star Magic ng Dos.

“Nagpapasalamat lang ako na sa pagbalik ko with ABS-CBN, open arms ang pag-welcome back nila sa akin. Kaagad nila ako nilagay sa bagong drama series nila na Kahit Konting Pagtingin na bida si Angeline Quinto with Paulo Avelino,” pahayag ni Sweet.

Makikita pa rin naman si Sweet sa GMA 7 dahil tutulong siya sa promo ng Metro Manila Film Festival entry na Si Agimat, Si Enteng Kabisote at si Ako.

Sa January naman ay meron siyang malaking live comedy show na produced ng Vivand na Queers of Comedy kung saan kasama niya sina Michelle O’Bombshell, Petite, at Kim Idol.

Tinatapos din ni Sweet ang Viva Films comedy na Girl-Boy-Bakla-Tomboy na mula sa direkiyon ni Wenn Deramas.

Show comments