Tahimik at nag-iisa lang si Derek Ramsay noong mag-celebrate ng kanyang birthday last Dec. 7. Nagdesisyon siya na iwasan munang mabasa ang kanyang social media accounts at magdiwang ng solo.
“For some reason I just told myself, ‘Today I’m just going to be alone.’ I played golf by myself. Ewan ko nga. Drama!” napa-smile si Derek.
Naging maayos naman ang araw na iyon dahil favorite sport din niya ang golf at ito ang nakaka-relax sa kanya pagkatapos ng kanyang hectic na schedule.
Bukod kasi sa inieereng The Amazing Race Philippines, hinahanda rin ni Derek ang sarili para sa pagbibidahan niyang action series sa TV5 na Kidlat kasama sina Nadine Samonte, Ritz Azul, Wendell Ramos, at Baron Geisler.
Nag-shoot din si Derek para sa Christmas station ID ng home network na Happy Christmas Kapatid.
Nasabi niya na tuwing Pasko ay may mga tinutulungan siyang kabataan. Inuuwi nga niya sila sa kanyang bahay para makasama sa pag-celebrate ng Pasko. Ito ang panahon na lumalabas ang pagiging Good Samaritan ng maraming tao.
“I’ve been around so many different people, catching up with different people, and helping people so that their Christmas would be good.
“Every Christmas may refugees akong dinadala sa bahay,” nakangiting pag-amin ni Derek.
Herbert ‘nakipagbalikan’ kay Janice
Nag-reunite sina Quezon City Mayor Herbert Bautista at Janice de Belen sa Pamana episode ng Shake, Rattle & Roll XIV: The Invasion ng Regal Entertainment, Inc. at isa sa mga pelikula sa Metro Manila Film Festival 2012.
Matagal na hindi nagkatrabaho ang dalawa na unang nakilala bilang magkapatid na Rene Boy at Flor sa ‘80s soap opera na Flordeluna.
After more than 30 years, malaki na nga ang mga ipinagbago ng career nila. Si Herbert, mula sa pagiging child actor sa Kaluskos Musmos, ay naging bida sa ilang hit comedies tulad ng Puto, Jack En Jill, Kumander Bawang, at Captain Barbell. Ngayon ay umuupo na siyang alkalde ng Quezon City.
Si Janice na nagsimula rin bilang child star ay naging teen drama actress hanggang sa maging isa sa pinakamahusay na TV and film actress ngayon. Isa ring certified chef si Janice hosting her own cooking/talk show na Spoon sa Net 25.
Kapwa proud parents na sina Herbert at Janice sa kanilang mga anak. Tatlo ang kids ni Bistek samantalang lima naman ang sa aktres.
Matagal ngang hindi nakagawa ng pelikula ang comedian-mayor kaya naengganyo siya ni Mother Lily Monteverde na gawin ang 14th Shake, Rattle & Roll. Kasama rin sa Pamana episode sina Dennis Padilla at Arlene Muhlach.
Kung matatandaan ay isa si Herbert sa mga original star ng unang Shake, Rattle & Roll in 1984 na produced noon ng Athena Productions at nanalo pa siya bilang best actor para sa episode na Manananggal.