MANILA, Philippines - Nung nakaraang taon, hindi masyadong alam ng tao ang hitsura ng character actor na si Manu Respall dahil natatakpan ang buong katawan at mukha niya ng makeup bilang Tamawo, isang nakakatakot na nilalang sa Shake, Rattle & Roll XIII.
Pero sa wakas, makikita na rin ang totoong anyo ni Manu dahil siya ang gumaganap na Heneral Emilio Aguinaldo sa Supremo, na palabas na ngayon sa SM Cinemas.
Itinuturing ni Manu na napakalaking break ito sa karera niya dahil mahalaga ang papel na ginampanan ni Aguinaldo sa buhay ni Bonifacio (tampok si Alfred Vargas bilang ama ng himagsikan noong panahon ng mga Kastila).
Hindi maitago ni Manu ang saya sa pagpili ni Direk Richard Somes sa kanya para sa pelikula.
“Malaking karangalan ito. Napakita ko ang nararamdaman ni Aguinaldo sa pamamagitan ng aking mga mata. Hindi ako nagsalita rito,” sabi ni Manu.
Sa trailer ng Supremo, makikita si Manu na dahan-dahang iniikot ang ulo habang nakatingin sa paligid. Ano ang iniisip at pinaplano niya bilang kauna-unahang pangulo ng Pilipinas?
“Tahimik ang naging komprontasyon namin ni Alfred. Nagkatitigan lang kami,” dagdag ni Manu.
Masaya si Richard sa pagganap ni Manu.
“Naipakita niya ang pagiging malalim na mag-isip at mapagmanman sa kapiligiran gamit lang ang kanyang mga mata,” sabi ng direktor.