Nalungkot si Dr. Vicki Belo dahil sa mga Pinoy na nakasabay niya na bumiyahe sa Amerika.
Ikinalungkot ni Mama Vicki ang dialogue ng mga Pinoy na pupusta sila kay Juan Manuel Marquez dahil ito ang mananalo sa laban kay Congressman Manny Pacquiao na magaganap ngayong umaga sa MGM Garden Arena, Las Vegas sa Nevada.
Ang say ni Mama Vicki, ito ang panahon na kailangan ni Papa Manny ang dasal at suporta ng ating mga kababayan.
Nakapagbigay si Papa Manny ng karangalan sa ating bansa kaya nakakalungkot talaga na may ibang mga Pilipino na sinusuportahan si Marquez.
John Lapus sumisipsip kay bossing?!
Ang sipag ni John Lapus na mag-promote ng Si Agimat, si Enteng Kabisote at Si Ako.
Kung ganyan ang attitude ni John, hindi ma-labo ang posibilidad na makabilang uli siya sa next movie nina Sen. Bong Revilla, Jr. at Vic Sotto.
Dahil sa kanyang sipag, biniro si John ni Papa Joey de Leon na sumisipsip siya kay Bossing. Ang mga kagaya ni John ang masarap na katrabaho dahil napapakinabangan siya sa mga promo ng pelikula.
Sa Dec. 20 ang premiere night ng filmfest movie nina Bong at Bossing.
Gaganapin ang red carpet premiere ng Si Agimat, si Enteng Kabisote at Si Ako sa dalawang sinehan ng SM Megamall sa Mandaluyong City para ma-accommodate ang fans nina Bong, Bossing, at Judy Ann Santos.
Iniiwasan ko na umapir sa mga premiere night ng mga pelikula dahil hindi ko naiintindihan ang pinapanood ko.
Nawawala ang concentration ko dahil sa fans na tilian nang tilian. Mas mainam pa na panoorin ko ang pelikula sa regular run nito sa mga sinehan.
Show ng GMA apektado ng boksing
Apektado ng Pacquiao-Marquez fight ang mga Sunday program ng GMA 7.
Pahinga muna ang Party Pilipinas dahil ang laban nina Pacquiao at Marquez ang mapapanood ngayong tanghali sa Kapuso Network.
Live ang H.O.T. TV pero mababawasan ito ng isang oras dahil pa rin sa coverage ng Pacquiao-Marquez fight.
Mapapanood sa H.O.T. TV ang exclusive interview kay Papa Manny pagkatapos ng sagupaan nila ni Marquez.
Siyempre, tungkol sa Pacquiao-Marquez fight ang news ng 24 Oras Weekend ngayong gabi.
Hindi magtatagal sa Amerika si Papa Manny at ang kanyang pamilya dahil babalik sila sa Pilipinas sa Dec. 12.
Ang madalaw at mabigyan ng tulong ang mga kababayan niya sa Mindanao na biktima ni Typhoon Pablo ang priority ni Papa Manny sa kanyang pagbabalik-bansa sa Miyerkules.
Mariz at Raffy ikinasal na
Ikinasal kahapon sa Sanctuario de San Jose, Greenhills ang GMA 7 news reporters na sina Mariz Umali at Raffy Tima.
Ginanap ang wedding reception sa events place ng Eton Centris sa kanto ng EDSA at Quezon Avenue, Quezon City.
Si Frederick Peralta ang gumawa ng classic wedding gown ni Mariz.
Nalaman ng isang taxi driver ang kumpletong detalye ng kasal nina Raffy at Mariz dahil naging pasahero niya noong Huwebes ang tao na kumuha ng wedding gown ng bride mula sa shop ni Frede-rick sa Maynila.
Trapik noong Huwebes at dahil sa tagal ng biyahe, napagkuwentuhan ng driver at ng kanyang pasahero ang kasal nina Raffy at Mariz.
Nagkataon naman na reporter din ang next passenger ni Manong Driver pagkatapos ng paghahatid niya sa tao na nag-claim ng wedding gown ni Mariz.
Dinala ng pasahero ang wedding gown sa condo building na katapat ng Edsa Shangri-La Hotel. Nang sumakay ang reporter sa taxi, siya naman ang kinuwentuhan ng driver tungkol sa detalye ng kasal nina Mariz at Raffy. Ganyan kabilis kumalat ang tsismis.