Shakey’s V-League season 11 Baguio, Davao Belles manonorpresa

MANILA, Philippines - Habang ang atensyon ay tiyak na ipupukol sa mga datihang koponan, hindi naman mangangahulugan ito na hindi susuriin ang kalidad ng mga bagong koponan na St. Louis University ng Baguio City at Lady Agilas ng Davao City sa Shakey’s V-League Season 11.

“We expect these teams to provide a diffe­rent kind of challenge and spring a surprise or two against the regular teams,” wika ni Sports Vision president Ricky Palou sa dalawang koponang ito.

Ang aksyon sa ligang suportado ng Shakey’s ay magsisimula bukas pero sa Martes pa sasalang ang SLU kontra sa CESAFI cham­pion Southwestern University.

Hahawakan ni coach Henry Fuentes, ang Lady Navigators ay pangungunahan ni team captain Ma­rian Torres at palalakasin ng paglahok ng mga batikang manlalaro tulad ni da­ting team skipper Krissian Tsu­chiya, BBEAL 2013 MVP Joan Lunday at 5’7  Colleen Rossi.

Ang dating manlalaro ng University of Baguio na sina Florence May Madulid at Czarina Mejia at dating University of Cordilleras players Roxanne Almonte at Maureen Agudia ang magpapatatag sa puwersa ng SLU na kabibilanganan din nina Laarni Quezada, Sunshine Benjawan, Eileen Gani, Alyssa Aquino at Jermain Geronimo.

Sa kabilang banda, ang Lady Agilas ay sasalang sa Abril 20 na pangungunahan ni team captain Venus Flores.

Limang sunod na laro ang haharapin ng Davao para makumpleto ang laro sa elims.

Dahil sa pagpasok ng St. Louis U, Davao Lady Agilas at SWU Lady Cob­ras, tunay na maipagmamalaki ng Shakey’s V-League na sila lamang ang liga na kumakatawan mula NCR, Luzon, Visayas at Mindanao.

 

Show comments