MANILA, Philippines — Posibleng tapos na ang basketball career ng kontrobersyal na si r John ‘Wick’ Amores.
Ito ay matapos kanselahin ng Games and Amusements Board (GAB) ang lisensya ng NorthPort guard na nagbabawal sa kanyang muling maglaro sa PBA at sa ibang professional leagues sa bansa.
Nakumpleto ng GAB ang kanilang imbestigasyon kay Amores at sa utol nitong si John Red sa pagkakasangkot sa isang shooting incident sa Lumban, Laguna noong Setyembre.
Ang pamamaril ni Amores, produkto ng Jose Rizal Heavy Bombers sa NCAA, ay nagmula sa hindi nabayarang P4,000 pusta sa isang laro.
“The respondent’s license is revoked effective immediately,” pahayag ng government regulatory body para sa professional sports sa kanilang memo na pirmado ni chairman Francisco Rivera.
“Accordingly, the respondent is no longer allowed to participate in any professional basketball game sanctioned by the board.”
Nauna nang sinuspinde ng PBA ang 24-anyos na si Amores sa kabuuan ng kasalukuyang Season 49 Commissioner’s Cup nang walang suweldo.
Inutusan din ng PBA si Amores na sumailalim sa counselling para sa kanyang ‘anger and violent tendencies.’
Unang naging kontrobersyal si Amores sa NCAA Season 98 sa laro ng Jose Rizal nang sugurin ang bench ng College of St. Benilde at sapakin ang mga nakasalubong na Blazers players.
Sinibak siya sa Heavy Bombers lineup.