MANILA, Philippines — Patuloy ang magandang ratsada ng national junior weightlifting team matapos masungkit ang ikaapat na gintong medalya sa 2024 Asian Youth Weightlifting Championships sa Doha, Qatar.
Napasakamay ni Jhodie Peralta ang gintong medalya mula sa Youth Women’s 55-kilogram category kung saan nagreyna ito matapos itarak ang 184 kg.
Tinalo ni Peralta sina Koyel Bar ng India na nagkasya sa pilak matapos maglista ng 182 kg at Luong Thi Thanh Tuyen ng Vietnam na nagtala naman ng 178 kg para sa tansong medalya.
Nagkasya lamag si Peralta sa pilak sa clean and jerk bunsod ng nakuha nitong 100 kg.
Sa snatch bumuhat ito ng 84 kg.
Sa kabuuan ay may apat na gintong medalya na ang Team Philippines sa naturang torneo.
Humataw ng dalawang gintong medalya si Aldrin Colonia sa men’s youth 49 kg event clean and jerk at sa total overall lift.