4th win target ng Rain or Shine

Lalabanan ng Elasto Painters ang minamalas na Terrafirma Dyip ngayong alas-5 ng hapon kasunod ang pakikipagtuos ng Beermen sa guest team Eastern sa alas-7:30 ng gabi sa Philsports Arena sa Pasig City.
PBA Images

MANILA, Philippines — Itutuloy ng mainit na Rain or Shine sa apat ang kanilang arangkada habang itatagay ng San Miguel ang ikatlong sunod na panalo sa Season 49 PBA Commissioner’s Cup.

Lalabanan ng Elasto Painters ang minamalas na Terrafirma Dyip ngayong alas-5 ng hapon kasunod ang pakikipagtuos ng Beermen sa guest team Eastern sa alas-7:30 ng gabi sa Philsports Arena sa Pasig City.

Matapos ang kabiguan sa Meralco (3-1) ay magkakasunod na pinatumba ng Rain or Shine (3-1) ang Eastern (5-2), San Miguel (3-2) at Magnolia (2-4) at paboritong talunin ang Terrafirma (0-6).

Ngunit ayaw magkum­piyansa ni Elasto Pain­ters’ coach Yeng Guiao sa kakayahan ng Dyip na gulatin sila.

“Mahirap pa ring magtiwala,” wika ni Guiao. “”Mayroong araw na maganda lalaruin kahit sabihin nating nag-i-struggle ‘yung team. Kapag natapat sa iyo na maganda lalaruin nila mahihirapan ka pa rin. So hindi puwedeng mag-relax or magkampante.”

Muling aasahan ng Rain or Shine sina import Deon Thompson, Beau Belga, Santi Santillan, Andrei Caracut, Adrian Nocom at Jhonard Clarito.

Itatapat ng Terrafirma sina reinforcement Brandon Edwards, Vic Manuel, Stanley Pringle, Kevin Ferrer, Paolo Hernandez at Brent Paraiso.

Sa ikalawang laro, target ng Beermen ang ikatlong sunod na pananalasa sa pagsagupa sa Eastern.

Ipaparada ng Beermen si bagong import Jabari Narcis kapalit ni Torren Jones.

Nakalasap naman ang Hong Kong team ng 113-120 pagyukod sa NorthPort (6-1).

Show comments