Gazz Angels puro na sa bronze

Na-blocked ni Aiza Maizo-Pontillas ng Petro Gazz ang kill ni Eya Laure ng Chery Tiggo.
PVL photo

MANILA, Philippines — Ginawa na ni Brooke Van Sickle ang lahat para ipanalo ang Petro Gazz.

Bumanat ang Fil-Am outside spiker ng 36 points mula sa 31 attacks, apat na blocks at isang service ace para sa 22-25, 25-12, 25-18, 27-29, 15-12 pagtakas ng Gazz Angels sa Chery Tiggo Crossovers sa bronze medal battle sa 2024 Premier Volleyball League All-Filipino Confe­rence Finals kahapon sa Smart Araneta Coliseum.

Mayroon ding 10 excellent receptions si Van Sickle para sa 1-0 lead ng Petro Gazz sa kanilang best-of-three series ng Chery Tiggo.

“Yeah, I couldn’t do it without my teammates, right? It’s a six-man sport, and I didn’t realize that I had that many points,” sabi ng 26-anyos na produkto ng University of Hawaii.

Nag-ambag si Jonah Sabete ng 21 markers kasama ang 19 attacks at may 15 points si Fil-Am MJ Phillips na may limang blocks at tatlong aces para sa Petro Gazz.

Kagaya ng inaasahan, hindi na naman binigyan ni Japanese coach Koji Tsuzurabara ng playing time si two-time PVL Most Valua­ble Player Myla Pablo.

Maaari na nilang angkinin ang third place trophy kung muling mananalo sa Game Two sa Linggo.

Humataw si Eya Laure ng 23 points galing sa 21 attacks, isang block at isang ace sa panig ng Crossovers habang may 11 markers si Ara Galang.

Sa likod nina Laure at Galang ay nakabangon ang Chery Tiggo mula sa 1-2 agwat para itabla sa 2-2 ang laban nila ng Petro Gazz patungo sa fifth set.

Ang hataw ni EJ Laure ang nagdikit sa Crossovers sa 12-14 bago kumonekta si KC Galdones ng service ace para sa 3-2 panalo ng Gazz Angels.

Show comments