Alex Eala may bagong career-high sa WTA rankings

Alex Eala
Facebook / Alex Eala

MANILA, Philippines — Hindi maawat si Alex Eala sa pag-angat matapos muling magtala ng career-high sa Women’s Tennis Association (WTA) world rankings.

Sa bagong inilabas na listahan ng WTA, umangat na naman ang 18-anyos Pinay netter kung saan tumuntong ito sa ika-162 posisyon — malayo sa kanyang dating puwesto na ika-169.

Kasalukuyan din itong nasa ika-239 sa doubles ran­kings — ang pinakamataas na puwesto na nakamit nito sa doubles event.

Malaking tulong kay Eala ang pagsabak nito sa iba’t ibang malalaking WTA events para mas mapataas ang kanyang world rankings.

Kamakailan lamang ay sumabak ito sa prestihiyosong Madrid Open sa Spain kung saan ginulantang nito si dating world No. 23 Lesia Tsurenko sa kanilang laban.

“Another opportunity to keep learning and growing. Leaving Madrid with a smile and a bit more knowledge in my pocket. Vamos,” ani Eala sa kanyang post sa social media.

Nakasungkit si Eala ng tanso sa women’s singles ng 19th Asian Games sa Hangzhou, China. Nakatanso rin ito sa mixed doubles kasama si dating Austraian Open juniors doubles champion Francis Casey Alcantara.

Show comments