PH weightlifting team target maka-medal sa Paris

MANILA, Philippines — Desidido ang natio­nal weightlifting team na makapag-ambag ng medalya sa kampanya ng Team Philippines sa 2024 Paris Olympics.

Handa sina weightlif­ters Vanessa Sarno, Elreen Ando at John Ceniza na gawin ang lahat para makapasok sa podium.

“Yung goal ko makakuha ng medal sa Olympics. I want to break the mentality that you should just look for exposure in your first go, I want to medal right away,” ani Sarno.

Nakapasok sa Olympics si Sarno matapos ang ikalimang puwestong pagtatapos nito sa women’s 71kg Olympic  Qualification Rankings (OQR).

Sa nakalipas na Inter­national Weightlifting Fe­deration (IWF) World Cup sa Phuket, Thailand nagrehistro ng bagong national record si Sarno tangan ang 110 kg at  135 sa clean and jerk para sa total lift na 245 kg.

Hindi kabado si Sarno sa Paris Olympics.

Sa halip, excited ito na makipagsabayan laban sa pinakamahuhusay na lifters sa mundo.

Sa kabilang banda, masisilayan sa aksyon si Ando sa women’s 59kg class.

Nais ni Ando na i-alay ang kanyang laban sa kanyang amang namayapa.

“I’m dedicating this to my father. I promise that I’m going to get it. I’m going to bring home a medal in the Olympics,” ani Ando.

Target din ni Ceniza na makahirit ng medalya sa men’s 61kg.

“I will do my best to medal in Paris,” ani Ceniza. 

Show comments