Bedans nakauna sa finals

MANILA, Philippines - Tinapos ng nagdedepensang kampeon na San Beda ang makasaysayang paglalaro ng Perpetual Help nang kunin ang 56-52 panalo sa pagbubukas kagabi ng 88th NCAA men’s basketball Final Four sa Smart Araneta Coliseum.

Napahirapan man ay lumabas ang husay ng Red Lions sa huling apat na minuto ng labanan nang lapain nila ang apat na puntos na kalamangan ng Altas gamit ang 11-3 bomba.

Si Olaide Adeogun ay tumapos bitbit ang 23 puntos at 14 rebounds at may pitong puntos siya sa pamatay na run na ito para makuha agad ng number one team ang unang puwesto sa best of three finals.

Nakatuwang niya ang kanilang mahusay na pointguard na si Baser Amer na humablot ng dalawang krusyal na defensive rebounds at dalawang split para ilayo ang Lions sa apat na puntos may 16.3 segundo sa orasan.

Minalas din sa endgame ang Altas sa kanilang 3-point shooting para matapos ang kampanya na kinakitaan ng pagpasok ng Perpetual sa Final Four sa unang pagkakataon mula 2004.

Si Jett Vidal ang nagpatabla sa huling pagkakataon sa 52-all mula sa kanyang natatanging tres pero naisablay niya ang sumunod na dalawang birada sa 3-point line upang makalayo na ang Lions.

May 15 puntos si Noosa Omorogbe kasama ang apat na tres at ang kanyang magkasunod na birada sa malayuan ang nagbigay ng 49-45 kalamangan sa Perpetual.

Naunang nagdomina ang tropa ni coach Aric del Rosario at hinawakan ang pinakamalaking kalama­ngan na siyam na puntos, 26-17, sa second period pero inunti-unti ng Lions ang pagbangon.

Isang 8-0 bomba sa pagbubukas ng ikatlong yugto ang nagbigay ng 45-43 bentahe sa Lions bago tumugon si Omorogbe ng dalawang tres.

Pero na-foul-out ang nasabing player sa pagdepensa kay Adeogun at nabawasan ang pinagkukunan ng puntos ng Altas para tuluyang mamaalam sa liga.

Show comments