MANILA, Philippines - Maliban kay Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr., mapapalaban din ngayong taon si Brian ‘The Hawaiian Punch’ Viloria.
Sasagupain ng WBO flyweight champion na si Viloria ang WBA flyweight titlist na si Hernan ‘Tyson’ Marquez ng Mexico sa isang unification fight sa Nobyembre 17 sa LA Sports Arena sa Los Angeles, California.
Kahapon ay nagkaharap na ang 31-anyos na si Viloria at ang 23-anyos na si Marquez, tinalo ni Donaire via eight round KO noong Hulyo 20, 2010, sa isang press conference sa ESPN Zone sa Los Angeles, California.
“It’s going to be a great fight. I am very, very excited for it,” ani Viloria. “I have trained a lot harder than I did for it because I know Tyson Marquez is also going to be ready that night. I know that he is training hard also.”
Sinabi ni Viloria (31-3-0, 18 KOs) na matagal na niyang hinihintay na makasagupa si Marquez (34-2-0, 25 KOs).
“This is a career defining type of fight. This is the type of fight that everybody would want a to have a win on their record and that is what I’m planning for,” wika ni Viloria.
Tinalo ni Viloria si Mexican Omar Nino Romero via ninth-round technical knockout (TKO) sa kanilang pangatlong pagtatagpo para sa matagumpay niyang pagdedepensa ng kanyang suot na WBO flyweight crown noong Mayo 13 sa Yñares Sports Arena sa Pasig City.
Binigo naman ni Marquez si Filipino bet Richie Mepranum noong Marso 24 via unanimous decision sa kanilang rematch sa isang 10-round, non-title fight sa Sonora, Mexico.