Mainit na topic ngayon sa sports ang pagtakbo o ang hindi pagtakbo ni Manny V. Pangilinan bilang presidente ng Philippine Olympic Committee (POC).
Sa Nov. 30 ang sunod na POC elections at matagal nang nagsabi si Peping Cojuangco, ang tiyuhin ni Presidente P-Noy, na gusto pa niya ng isang term.
Pangatlong termino ni Cojuangco kung siya ay mananalo ulit. Apat na taon kada termino at sa edad na 78 siguro naman ay huling hirit na niya ito.
Kaya ang malaking tanong ngayon ay kung may lalaban sa kanya?
You cannot please everybody. At natural lang, may mga sports leaders ng ibang associations ang tutol sa ikatlong term para kay Cojuangco.
Ang problema nga lang, wala sa kanilang may lakas ng loob na magsalita, na tumayo at magsabing lalabanan nila si Cojuangco. Tila takot sila na makilala.
Maliban kay Go Teng Kok, ang dating kaalyado ni Cojuangco na ngayon ay mortal na kalaban na. Nagsabi na si GTK na lalabanan niya si Cojuangco kahit na alam niyang maliit o wala siyang pag-asang manalo.
Sabi pa din ni GTK, aatras siya sa laban kung may ibang kakandidato at susuportahan na lang niya ito.
Dito pumapasok ang pangalan ni MVP. May mga sports leaders na nagsabing gusto nilang si MVP ang lumaban kay Cojuangco. Pero gaya nga ng nasabi ko, ayaw pa nilang magpakilala.
Natatakot sila na kung biglang hindi tumakbo si MVP o kaya ay matalo si GTK ay buweltahan sila ni Cojuangco.
Dapat nga bang tumakbo si MVP?
Nagsabi na siya na wala siyang panahon at may nagbulong din sa atin na iniisip niya ang kanyang mga negosyo sa bansa kung sakaling labanan niya ng harapan ang uncle ni P-Noy.
Baka nga naman kung talunin niya si Cojuangco ay makaisip ito ng paraan upang bawian siya sa ibang bagay. Hindi naman siguro.
Pero hindi din siguro nawawala yan sa isip ni MVP.
Kaya ang suggestion ng isang sikat na sports officials ay maghintay na lang si MVP ng 2016. Kanyang-kanya ang POC sa 2016 na wala siyang ibang iisipin pa.
At si GTK?
Abangan na lang natin.