Laro Ngayon
(The Arena, San Juan City)
12 noon Letran vs AU (Jrs.)
2 p.m. MIT vs CSB (Jrs.)
4 p.m. Letran vs AU (Srs.)
6 p.m. MIT vs CSB (Srs.)
MANILA, Philippines - Babalik ng court ang host Letran hanap ang mahalagang panalo laban sa Arellano sa 88th NCAA men’s basketball elimination ngayon sa The Arena sa San Juan City .
Nasa ikatlong puwesto ang Knights sa team standings sa 11-6 baraha at kailangan nilang makuha ang panalo sa alas-4 ng hapon na labanan upang manatiling nakatuon sa mahalagang twice-to-beat advantage na maibibigay sa papangalawang koponan matapos ang double round elimination.
Ang San Sebastian ang nasa ikalawang puwesto sa 12-5 karta matapos ang 80-62 panalo sa Perpetual Help noong Huwebes ng gabi.
Kung manalo ang tropa ni coach Louie Alas ay kailangan din nilang makitang matalo ang Stags sa San Beda sa pagtatapos ng eliminasyon sa Lunes.
Dinurog ng Knights and Chiefs sa unang pagkikita, 88-70, at pinapaboran na mangibabaw uli dahil sila ay mainit sa second round at may 5-game winning streak.
Sina Kevin Alas (19.8 points), Jam Cortes (12.3 points) at Kevin Racal (10.5 points) ang mangunguna sa Knights para hawakan din ang ikawalong panalo sa siyam na laro sa second round.
Ang tampok na laro ay sa pagitan ng Mapua at St. Benilde sa alas-6 ng gabi at pride na lamang ang kanilang paglalabanan dahil parehong talsik na sa torneo.
Anuman ang mangyari sa labanan sa mga nasa unahan, tiyak na may playoff na mangyayari dahil magkatabla ang Perpetual Help at Jose Rizal University sa 10-8 baraha.
Ang pagtutuos ng Altas at Heavy Bombers ay itinakda sa Oktubre 11 at ang mananalo ang ookupa sa ikaapat at huling puwesto sa Final Four.