MANILA, Philippines - Mula sa boxing ring ay muling lalaban si Manny Pacquiao sa pulitika, habang susubukan naman ng kanyang asawang si Jinkee ang kapalaran nito bilang vice-governor ng Sarangani.
Matapos ang isang bible study sa kanilang tahanan kahapon ay naghain ang mag-asawang Pacquiao ng kani-kanilang Certificate of Candidacy (COC) sa Alabel, Sarangani.
Kakandidato sa ilalim ng United Nationalist Alliance (UNA) ni Vice Pres. Jejomar Binay, asam ni Pacquiao ang kanyang ikalawang sunod na termino bilang Sarangani Congressman matapos magwagi noong Mayo ng 2010 sa kampo ng Nacionalista Party ni Sen. Manny Villar.
Nakakuha si Pacquiao, isang military reservist na may ranggong Lieutenant Colonel sa Reserve Force ng Philippine Army, ng kabuuang 120,052 boto kumpara sa 60,899 ng karibal na si Roy Chiongbian noong 2010.
Si Pacquiao ay nagtapos sa Saavedra Saway Elementary School sa General Santos City at binigyan ng high school diploma ng Department of Education at nag-enrol ng college degree sa business management sa Notre Dame of Dadiangas University (NDDU).
Makakatambal naman ni Jinkee, ang tunay na pangalan ay Maria Geraldine Jamora, bilang Sarangani Governor si Steve Solon.
Si Jinkee ay isang consistent honor student sa Notre Dame sa General Santos City.