MANILA, Philippines - Naglabas ng dumadagundong na opensa ng host school St. Clare College-Caloocan sa huling yugto para daigin ang Centro Escolar University, 82-77, sa pagsisimula ng 12th NAASCU men’s basketball finals kahapon sa Makati Coliseum.
Rumatsada si Jeff Alvin Viernes taglay ang 38 puntos upang pangunahan ang Saints sa paghawak sa mahalagang 1-0 baraha sa best-of-three title series.
Magkakaroon ng pagkakataon ang Saints na maibulsa ang kauna-unahang titulo sa liga sa pag-angkin sa Game Two na lalaruin sa Lunes sa nasabing venue.
Si Jammer Jamito ay mayroon pang 20 puntos habang 11 ang ginawa ni Eugene Torres para sa host team na na-outscore ang Scorpions sa huling 10 minuto ng labanan, 21-14.
Tabla ang magkabilang koponan matapos ang unang yugto, 15-all, pero nakaungos ang Scorpions sa sumunod na dalawang quarters, 31-30 at 63-61, upang paniwalaang kayang maulit ang panalong kinuha sa Saints sa second round dahilan upang maunsiyami ang tangkang sweep sa elimination round.
Sina Axl Garcia, Alvin Abundo, Mark Guillen at John Paul Magbitang ay nagsanib sa 57 puntos para sa natalong koponan.
Samantala, gumawa ng 20 puntos si Aaron Jeruta para pangunahan ang CEU sa 64-50 panalo sa STI College at hawakan ang 1-0 bentahe sa karera para sa juniors division.
ST. CLARE 82 Viernes 38, Jamito 20, Torres 11, Gil 4, Santos 3, Dulalia 3, Lunor 2, Managuelod 0, Torres P. 0.
CEU 77 Garcia 22, Guillen 13, Abundo 12, Magbitang 10, Beldad 8, Batino 4, Alquisalas 3, Pagkatipunan 3, Pedrosa 2, De leon 0.
Quarterscores :15-15, 30-31, 61-63, 82-77.