Taiwan inilampaso ang Guam

 MANILA, Philippines - Naipakita rin ng Chinese Taipei ang itinatagong husay nang ilampaso ang Guam, 2-0, sa pagpapatuloy kagabi ng 2012 Philippine Peace Cup sa Rizal Memorial Football Stadium.

Inangkin ng Taiwanese team ang lahat ng goals sa first half lamang at hindi pinahintulutan ang Guama­nian XI na makaporma sa inilatag na matinding depensa para kunin ang unang panalo at isang tabla karta at kabuuang apat na puntos.

Si Lo Chi An ang nagbigay ng unang goal sa Taipei matapos lamang ang 11th minute at sa 45th minute ay minalas na tumalbog ang bola sa Guam player na si  Scott Leon Guerrero para sa ikalawang goal ng nanalong koponan.

“We saw the Philippines-Guam game and they are strong. We’re just fortunate to win this game,” wika ni Chinese Taipei coach Chiang Mu Tsai gamit ang isang interpreter.

Ang panalo ay nagbigay ng kumpiyansa sa Chinese Taipei papasok sa kanilang huling laro laban sa Azkals sa pagtatapos ng kompetis­yon sa Sabado.

 Nalaglag naman ang Guam sa 0-2 baraha. 

Show comments