MANILA, Philippines - Kung mayroong isang bagay na pinanghihinayangan si FEU coach Bert Flores, ito ay ang desisyon ng UAAP board na i-replay ang laro nila ng National University sa second round.
Nailusot ng Tamaraws ang 77-75 panalo sa Bulldogs sa lay-up ni RR Garcia ngunit binawi at ipinaulit ang laban dahil hindi umano klarado kung tunay bang wala na sa kamay ng dating MVP ang bola nang tumunog ang final buzzer.
Ito umano ang tunay na nakaapekto sa laban ng Tamaraws dahil nasira ang kanilang momentum upang mapatid din ang apat na sunod na paglalaro sa Final Four at noong nakaraang taon ay tumapos pa sa ikalawang puwesto sa Ateneo.
“Parang masama ang loob nila. Kumbaga andun na kami, bakit uulitin pa at bibigyan ng chance? Kahit sino naman, kahit asawa ko na walang alam sa basket-ball sinasabi, ‘bakit ganun?’ Pero wala na rin tayong magagawa,” wika ni Flores,
Ang FEU, na sa kaagahan ng liga ay nasa liderato, ay nanalo pa sa mahihinang teams na UE at UP bago sumadsad sa mga bigating teams na La Salle (56-63) at sa NU sa kanilang replay (81-84) sa overtime, sa pagtatapos ng eliminasyon.
Sa playoff laban sa Archers ay dumapa uli ang FEU, 66-69, para mamaalam bitbit ang tatlong sunod na kabiguan.
Wala naman ibang dapat gawin ang Tamaraws kundi ang tumingin sa hinaharap pero hindi pa malinaw kung makakasama pa rin sa team si Flores matapos ang pangyayari.