MANILA, Philippines - Alas-5 pa lamang ng madaling-araw ay sinimulan na ni Filipino boxing superstar Manny Pacquiao ang kanyang pagdya-jogging sa General Santos City Sports Complex kahapon bago nakipaglaro ng volleyball sa Team Pacquiao.
Sinabi ng 33-anyos na Sarangani Congressman na bahagi ito ng maaga niyang pagpapakondis-yon bilang paghahanda sa kanilang pang-apat na salpukan ng 39-anyos na si Mexican Juan Manuel Marquez sa Disyembre 8 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Sa kanyang pagtu-ngo sa United States ay ibubuhos ni Pacquiao ang kanyang panahon sa kanilang training camp ni trainer Freddie Roach sa Wild Card Boxing Gym sa Hollywood, California.
Kakaiba ito sa kanyang mga naunang paghahanda kung saan ang unang bahagi ng pagsasanay niya ay sa Baguio City bago magtungo sa US.
Maghaharap sina Pacquiao (54-4-2, 38 knockouts) at Marquez (54-6-1, 39 KOs) sa ikaapat na pagkakataon sa isang catchweight fight sa 147 pounds at sa isang non-title, welterweight bout.
Nanggaling si Pacquiao sa isang kontrobersyal na split decision loss kay Timothy Bradley, Jr. noong Hunyo 9 kung saan naagaw ng American challenger ang kanyang suot na WBO welterweight belt.
Sa kanilang isinagawang three-city promotional tour sa California, New York at Mexico, kapwa nangako sina Pacquiao at Marquez ng knockout.
Sinabi naman ni Michael Koncz, ang Canadian adviser ni Pacquiao, na hindi aabot sa 12 round ang Pacquiao-Marquez IV.
“Neither of these figh-ters want to have number five, so I believe that both of the guys, Manny and Marquez, are going to change their strategy and there’s going to be a lot more aggression in here, because they both want to put an end to this trilogy and I strongly believe somebody is going to knock somebody out,” ani Koncz sa panayam ng ATG (All-Time Great) Radio.
Isang majority decision win ang nakamit ni Pacquiao sa kanilang pangatlong pagtatagpo ni Marquez noong Nobyembre 12, 2011.