MANILA, Philippines - Umaasa ang Samahang Basketbol ng Pilipinas na kaagad silang maiimpormahan ng FIBA-Asia Executive Board kung may pagbabago sa pamamahala sa 2013 FIBA Asia Men’s Championships.
Matatandaang ibinigay ng FIBA-Asia Executive Board sa Lebanon ang karapatang pangasiwaan ang naturang qualifying tournament para sa 2014 FIBA World Cup.
Isang liham ang sinabi ni SBP executive director Sonny Barrios ang kanilang ipapadala kay FIBA-Asia secretary-general Hagop Khajirian.
“We would be grateful if you can inform to us by way of a written note that the Philippines is the alternative host for the 2013 Fiba-Asia Championship For Men as decided by the Fiba-Asia Executive Board in its meeting last week,” ani Barrios sa bahagi ng naturang liham na kanilang binalangkas nina SBP vice-chairman Ricky Vargas at dating FIBA-Asia secretary-general Moying Martelino at pinanalisa ni SBP president Manny V. Pangilinan.
Kung sakaling hindi makakaya ng Lebanon na pangasiwaan ang naturang torneo, ang Pilipinas ang pinili ng FIBA-Asia Executive Board na maging ‘second option’.
Ngunit hihintayin pa ng SBP ang dalawang liham mula sa FIBA-Asia Executive Board.
“Hihintayin pa natin ‘yung written note confirming na tayo ang alternate host. Iyong pangalawang sulat, on or before November 30 ay malaman natin kung ini-exercise ba nila ‘yung tinatawag na default option. Hinihiling natin ‘yung November 30 para lang magkaroon tayo ng tamang panahon ng paghahanda kung tayo ang hihirangin,” ani Barrios.
Matapos namang maging fourth-placer sa nakaraang 4th FIBA-Asia Cup sa Tokyo, Japan, tinitingnan ng SBP kung paano mas palalakasin ang Smart Gilas Pilipinas 2.0 ni head coach Chot Reyes.