PUERTO PRINCESA CITY, Philippines --Inangkin nina Norlan Warizal at Jila de la Rosa ang mga titulo sa 21-k men at women’s category sa Palawan Leg ng 36th National MILO Marathon kahapon dito.
Nagtala si Warizal ng tiyempong 1:19:39 para sikwatin ang men’s crown at ang premyong P10,000 kasunod sina Marco Laipan at Orly Maestro na naglista ng magkatulad na 1:20:39.
Kinuha naman ni Dela Rosa ang women’s crown nang magposte ng bilis na 1:35:59 para ungusan sina Marichel Maestro (1:47:00) at Rowena Quipquip (1:56:05).
Si Dela Rosa ay nanggaling sa Maynila at naghahangad na mapaganda ang kanyang qualifying time sa finals.
Ang ama ng 18-anyos na estudyante ng University of Sto. Tomas ay isang track athlete na humikayat sa kanyang sumabak sa marathon.
Makakasama sina Wai-zal at De la Rosa kina top Filipino bet at three-time national champion Eduardo Buenavista na naghari sa Tarlac Leg, Mary Grace de los Santos ng Zamboanga at Metro Manila leg winners Jho-An Banayag at Jason Agravante.