MANILA, Philippines - Dalawang dating national marathon champions at dalawang mahuhusay na collegiate runners ang nagtala ng kanilang mga pangalan bilang kauna-unahang kampeon sa 21-K relay event sa 2012 Rexona Run kahapon na ginawa sa Mall of Asia Grounds sa Pasay City.
Sina Jho-an Banayag at Flordeliza Donos ang nagsanib-puwersa upang hiyain ang hamon ng ibang kalahok sa kababaihan habang sina Rafael Poliquit Jr. at Richard Salano ang nanguna sa kalalakihan laban sa mga Kenyans.
Sina Lovemar Estrella at Michelle Tibagacay ang nagdomina naman sa mixed relay para masama sa mga hanay ng mga unang kampeon ng relay na pinaglabanan sa 21-k distansya.
“Inasahan naming manalo rito dahil magaling naman si Flor. Bago kami tumakbo ay nag-usap kami at sinabi ko na ako na ang mauuna para makarelax kami. Alam ko rin ang bilis niya kaya tiwala ako sa tsansa namin,” wika ni Banayag.
Si Banayag na 2005 at 2006 champion at Donos na 2010 champion, ay naorasan ng 1:25:20 upang isantabi ang hamon nina 4-time national champion Christabel Martes at Jolly Ann Ballester na may 1:28:32 oras. Nasa ikatlo sina Victorina Calma at Dalyn Carmen sa 1:33:19.
Ipinamalas naman ng 23-anyos na si Poliquit at 21-anyos na si Salano ang bangis ng kanilang takbo nang hindi papormahin ang mga Kenyans na sina Samual Tarus at Julius Kipkalam sa kalalakihan.
Naorasan sina Poliquit ng FEU at Salano ng UE ng 1:10:18 at mahigit na isang minuto ang inilayo nila sa mga dayuhan na nakontento sa ikalawang puwesto sa 1:11:23. Pumangatlo sina Raquin Irinio at Michael Villamor sa 1:12:13. Sina Estrella at Tibagacay ay naorasan ng 1:26:20 at nanalo sila laban kina Merlyn Lumagbas-Ryan Maranan (1:33:20) at Magic at Miguel Lazo (1:39:48).