MANILA, Philippines - Sa ikatlong sunod na taon ay hinirang ang UP bilang kampeon sa 2012 UAAP Cheerleading Competition na pinaglabanan kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Tumataginting na P340,000 premyo ang paghahatian ng mga kasapi ng UP Pep Squad nang makakuha ng pinakamaraming first place votes mula sa mga hurado.
Ito ang ikawalong pagkakataon na nanalo ang UP sa kompetisyon upang tablahan na ang UST sa pinakamaraming panalo.
Limang buwan nilang pinaghandaan ang kanilang itinanghal at nagsakripisyo ang lahat, lalaki at mga babae man, dahil nagpa-semi-kalbo ang lahat para patingkarin ang pagtatanghal.
Ang FEU na pumangatlo noong nakaraang taon ay umangat ng isang baytang at nasa ikalawa ngayon para bitbitin din ang P200,000 gantimpala habang ang host National University ay gumawa ng kasaysayan nang nakapasok sa ikatlong puwesto at iuwi ang P140,000 premyo.
Nauna rito ay napili rin ang UP, FEU at NU bilang kampeon sa Group Stunts Division para maduplika ang pagtatapos ng tatlong nasabing paaralan sa 2011.
Pinangalanan naman si Nicolette Erica Ambulo ng UP para sa stunner award at tuluyang walisin ng State University ang tatlong parangal na ipinamigay. (AT).