Gilas 2.0 sadsad sa Qatar sa FIBA Asia Cup

MANILA, Philippines - Naging bangungot uli para sa Smart Gilas Pilipinas ang Qatar nang angkinin ng huli ang 79-63 panalo upang okupahan ang ikatlong puwesto sa pagtatapos ng FIBA Asia Cup kahapon sa Ota gymnasium sa Tok­yo, Japan.

Sa ikalawang sunod na laro ay malamig pa rin ang Gilas 2.0 sa kanilang outside shooting para makontento na lamang sa ikaapat na puwesto.

Ang panalo ng Qatari ay nagbalik sa alaala sa kinuhang 80-75 panalo sa Gilas I para malagay sa ikatlong puwesto sa 2010 FIBA Asia Cup na nilaro sa Beirut, Lebanon.

Dahil rin sa pagsungkit sa ikatlong puwesto, ang Qatar ay makakasama ng Iran at Japan, na naglaban para sa titulo, na nakatiyak na rin ng puwesto sa 2013 FIBA Asia Men’s Championship na gagawin sa Lebanon.

Sina Gary David at Larry Fonacier ang pinalad na makakonekta sa 3-point line sa 18 ipinukol habang ang Nationals ay nagtala rin ng mahinang 11-of-17 shooting sa 15-foot line.

Taliwas ito sa ginawa ng Qatar na may siyam na tres sa pangunguna nina Mohd Mohamed at Khalid Abdi na tumapos taglay ang 17 at 14 puntos at nagsanib sa 7-of-13 shooting sa 3-point arc.

May 11 rebounds pa si Abdi habang double-double na 10 puntos at 11 boards ang ibinigay pa ni Erfan Saeed para angkinin din ng Qatari ang 47-31 bentahe sa rebounding.

Si 6’10 naturalized pla-yer Marcus Douthit ay may 17 puntos, 10 rebounds at 2 blocks habang sina David, Jared Dillinger at Gabe Norwood ay naghatid ng 15, 12 at 10 puntos.

Nabigo man sa asam na puwesto sa FIBA Asia Men’s Championship, inaasahan pa ring makakasama ang Nationals sa torneo dahil sasali sila sa SEABA at inaasahang dodominahin ang nasabing torneo. (ATan)

Qatar 79 – Mohmmed 17, Johnson 16, Abdi 14, Saeed 10, Daoud 7, Salem 5, Elhadary 4, Mohammed 4, Ali 2.

Philippines 63 – Douthit 17, David 15, Dillinger 12, Norwood 10, De Ocampo 4, Fonacier 3, Tenorio 2, Thoss 0, Chan 0, Villanueva 0.

Quarterscores: 12-8, 35-26, 55-48, 79-63.

Show comments