MANILA, Philippines - Kasabay ng pagsungkit ng unang titulo ng Sandugo-San Sebastian ay ang makasaysayang kaganapan sa coaching career ni Roger Gorayeb sa Shakey’s V-League.
Tinapos ng Lady Stags ang laban ng Cagayan Valley gamit ang kumbinsidong 25-18, 25-22, 25-16, sa Game Two ng Finals noong Martes ng gabi sa Ninoy Aquino Stadium upang kumpletuhin ang 2-0 sweep sa best-of-three finals series.
Sa pangyayaring ito, si Gorayeb ang lumabas bilang natatanging mentor na nanalo ng magkasunod na titulo sa isang season sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s Pizza bukod sa ayuda pa ng Accel at Mikasa.
“Sa ipinakitang laro namin, wala naman akong duda na hindi namin makukuha ang titulo,” wika ni Gorayeb na sa first conference ay pinangunahan ang Ateneo sa titulo sa first conference.
Star-studded naman ang Lady Stags para sa Open dahil nakuha nila ang mahuhusay na Thai imports na sina Jeng Bualee at Kaensing Utaiwan na siyang nanguna sa pag-atake at depensa ng koponan.