MANILA, Philippines - Nagwakas ang winning streak ng nagdodominang St. Clare kaya magkakaroon ng Final Four sa 12th NAASCU men’s basketball tournament noong Sabado sa C.P. Tinga Memorial Hall sa Taguig City.
Isinalpak ni Cedric Ablaza ang isang jump shot sa huling 0.2 segundo para igiya ang STI College sa 71-70 pagtakas sa St. Clare.
Ito ang kauna-unahang kabiguan ng Saints matapos kumamada ng 10 sunod na panalo para makasalo sa unang puwesto ang Centro Escolar University na dinurog naman ang AMA Computer University, 69-52.
Masakit ang pagkatalo sa Saints dahil hawak nila ang 62-54 abante, ngunit isang field goal lamang ang kanilang naisalpak.