Paglalabanan ng La Salle Green Archers at National University Bulldogs ang huling ticket sa Final Four ng 75th National University Athletic Association of the Philippines (UAAP) men’s basketball tournament.
Tila iyan ang direksyong patutunguhan ng Green Archers at Bulldogs na kapwa may 7-5 karta at nasa ikaapat na puwesto sa likod ng nagtatanggol na kampeong Ateneo Blue Eagles (11-2) at Far Eastern University
Sa pagitan ng La Salle at NU ay masasabing mas mabigat ang pressure na nasa balikat ng Bulldogs at ni coach Eric Altamirano.
Kasi’y pinaghandaan talaga nila nang todo-todo ang kasalukuyang season kung kailan sila pa nga ang host. Dapat ay noong nakaraang taon pa sila naging host pero hiniling nila na ngayon na lang nila gawin ang katungkulang ito.
Maganda ang kanilang naging preparasyon dahil sa noong summer ay nagkampeon sila sa ilang torneo. Kaya naman mataas talaga ang expectations sa kanila. Kumbaga’y inaasahan ng karamihan na papasok sila sa Final Four.
At hindi lang papasok sa Final Four. Kapag nandoon na sila, natural na aasamin nila na makakarating sa best-of-three championship series.
Sa kabilang dako ay parang nasa rebuilding stage ang La Salle na nasa ilalim ng bagong coach na si Gelacio Abanilla III na humalili kay Dindo Pumaren bago nagsimula ang season. Kahit paano ay masasabing maganda na rin ang performance ng Green Archers.
Pero siyempre, umaasa din naman ang mga backers ng La Salle, ang mga graduates nito at ang mga estudyante na papasok ang Green Archers sa Final Four kahit pa bago lang ang kanilang coach.
Well, may legitimate shot ang La Salle na makaabot sa Final Four. Ang huling dalawang games ng La Salle ay kontra Adamson Falcons at FEU Tamaraws. Makakalaban din ng NU ang FEU at ang University of the Philippine Fighting Maroons.
Kung magiging rea-listic, maaaring sabihin na kayang talunin ng La Salle ang Adamson at kaya ng NU ang UP.
So, ang magiging key factor dito ay ang kanilang performance kontra sa FEU Tamaraws. Hindi naman magpapabaya ang mga bata ni coach Bert Flores dahil sa nais nilang makuha ang ikalawang puwesto upang magkaroon ng twice-to-beat advantage sa Final Four.
So, kung alin sa La Salle at NU ang makasilat sa FEU, iyon malamang ang makarating sa Final Four.
Sakaling hanggang sa dulo ay magtabla pa rin ang La Salle at NU, magkakaroon ng sudden-death playoff para sa huling Final Four berth. Bale 1-all ang record ng Green Archers at Bulldogs sa isa’t isa.
Unang nanaig ang La Salle sa double overtime, 87-86 noong Agosto 18. Nakabawi ang NU, 72-62 noong Setyembre 9.
At ano ang premyo para sa makakakuha ng ikaapat na puwesto?
Makakalaban nito ang Ateneo sa Final Four at kailangang magwagi ito ng dalawang beses kontra sa Blue Eagles upang umabot sa championship round.
Butas ng karayom ang pilit na papasukin nito.