MANILA, Philippines - Kumbinsidong panalo ang hangad ni Milan Melindo sa pagharap niya kay Jean Piero Perez ng Venezuela sa gaganaping Pinoy Pride XVI: Venezuelan Invasion sa Setyembre 22 sa Pacific Grand Ballroom ng Waterfront Cebu City Hotel and Casino.
Itataya ni Melindo ang hawak na WBO international flyweight title at kailangan niyang maipanalo ang laban upang mapaganda ang paghahangad na mapalaban sa lehitimong world title.
Hindi pa natatalo ang tubong Cagayan de Oro City matapos ang 27 laban at mayroon pa siyang 11 knockouts.
“Mahalagang laban ito para sa akin dahil gagamitin ko ito bilang stepping stone para mapalaban sa world title,” wika ni Melindo na sumailalim sa mahigit na 100 sparring sessions para maikondisyon nang husto ang sarili.
Ang 31-anyos na si Perez ay dating interim champion sa WBA at may 19 panalo sa 24 laban at 14 rito ay natulog ng maaga.
“Hindi naman ako nagkukumpiyansa dahil mas may karanasan sa akin si Perez. Kaya rin niyang tumanggap ng suntok pero pinaghandaan ko talaga ito at masasabi kong physically at mentally ay handa na ako,” dagdag ng 24-anyos na si Melindo.
Nakuha ni Melindo ang itatayang titulo nang talunin si Jesus Geles ng Colombia gamit ang kahanga-hangang first round knockout noong Hunyo 2 sa nasabing venue.
Itataya naman ni Rocky Fuentes ang kanyang OPBF flyweight title laban kay Myung Ho Lee ng Korea na siyang undercard sa laban.