MANILA, Philippines - Dapat nang amyendahan ang batas na nagtatag sa Philippine Sports Commission (PSC) upang maitama ang mga mali rito.
Ito ang sinabi ni dating cager, Congressman at Senador Freddie Webb nang nakapanayam matapos maging panauhing pandangal sa isinagawang PBA Press Corps Annual Awards Night sa Kamayan Edsa noong Lunes ng gabi.
“It’s about time,” wika ni Webb sa planong pag-amyenda sa RA 6847 na naipasa noong 1990.
“We made a mistake. Even bills that you crafted, sooner or later, you will find flaws in it,” dagdag nito.
Isa sa pagkakamali sa nasabing batas ay ang kawalan ng termino sa chairman ng PSC dahilan kung bakit napupulitika ito na nagreresulta sa pagbagsak ng palakasan sa bansa.
Ang Malacañang ang nagluluklok ng opisyales ng Komisyon at sa nangyayari, sunud-sunuran lamang ang mga PSC officials sa mga kagustuhan o kahilingan ng mga taong nakatulong para maupo sila sa puwesto.
Kaya kailangan ng baguhin ang ilang nakasaad sa batas na ito dahil kung hindi patuloy na babagsak pa ang sports sa Pilipinas.