MANILA, Philippines - Napagtagumpayan nina Mika Immonen at Petri Makkonen na ilagay ang Finland sa mga bansang nanalo sa PartyPoker.net World Cup of Pool nang talunin sina Karol Skowerski at Wojciech Szewcyk ng Poland, 10-8, sa finals sa pagtatapos ng torneo kagabi sa Robinson’s Manila.
Naging kapana-panabik ang race-to-10 finals dahil nanalo ang Finland nang kunin ang huling tatlong racks na pinaglabanan.
May dapat na ipagpasalamat sina Immonen at Makkonen kay Szewcyk na may tatlong errors upang mawalang saysay ang hinawakan na 8-7 kalamangan ng Poland.
Ito ang ikalawang pagkakataon na naglaro sa finals ang Finland dahil noong 2007 ay naipasok nina Immonen at Markus Java ang bansa sa championship laban kina Li He-wen at Fu Jian-bo ng China.
Pero nabigo sila nang maitakas ng China ang 11-10 panalo.
Sa taong ito, ang 16th seeds na sina Immonen at Makkonen ang siyang naging paborito matapos kalusin ang nagdedepensang Germany, 8-4, sa second round bago isinunod ang Team B ng Pilipinas na sina Efren Reyes at Francisco Bustamante. (ATan)