MANILA, Philippines - May kumpiyansa ang Philippine Davis Cup team sa kanilang tsansa na manalo laban sa Indonesia sa Asia Oceania Zone Davis Cup Group II finals na lalaruin sa Gelora Bung Karno Tennis Stadium sa Jakarta, Indonesia.
Sa pagdalo sa PSA Forum sa Shakey’s Malate nina coach Cris Cuarto, non-playing team captain Roland Kraut at players Jeson Patrombon at Francis Alcantara, tinuran ng mga opisyales ang pagiging handa ng mga ipanlalaban sa lakas ng Indonesia na kanilang haharapin mula Setyembre 14 hanggang 16.
“Nasa kanila ang crowd support at may isang player sila na mataas ang rankings. Pero maganda ang tsansa natin dahil mas balance ang team natin, mas deeper tayo sa kanila,” wika ni Cuarto.
Mangunguna sa koponan ang mga Fil-Ams na sina Treat Huey at Ruben Gonzales bukod pa kay Johnny Arcilla.
Sina Huey at Gonzales ay naglalaro sa US at Austria at tiyak na nasa magandang kondisyon ang dalawa sa pagdating sa bansa na inaasahang mangyayari sa Linggo.
Ang mga locals naman ay nagsasanay na sa bansa at lumalahok sa mga local tournaments para mapaghandaan ang Tie.
“Three weeks na rin kaming nagsasanay at naglalaro at may ilalaban kami. We will give it our best,” pahayag ni Alcantara.
Si Chris Rungkat na ranked 355 sa singles sa mundo ang inaasahang babandera sa Indonesia.
Ito na ang ika-10 pagkikita ng Pilipinas at Indonesia sa Davis Cup at angat ang huli sa 5-4 baraha.