MANILA, Philippines – Nakatakdang labanan ng Philippine men’s team ang 10th seed Bulgaria, habang makakatapat naman ng women’s squad ang 14th pick France sa 6th round ng World Chess Olympiad sa Istanbul, Turkey.
Nanggaling ang men’s team sa 3-1 paggupo sa Iceland para makatabla sa fifth place mula sa kanilang 8.0 points, samantalang tinalo naman ng women’s squad ang South Africa, 3-1, upang makasalo sa sixth spot sa likod ng kanilang 8.0 points.
Ang mga Filipino ay seeded 35th at No. 57th naman ang mga Filipina sa torneo.
Inaasahang maglalaro para sa men’s team sina Grandmasters Wesley So, Oliver Barbosa, Eugene Torre at Mark Paragua na siyang gumiba sa Iceland.
Sina Barbosa at Paragua ang highest scorers ng bansa sa kanilang tig-4.0 points each at may 3.5 naman si So.
IItatapat naman ng Bulgaria sina GMs Veselin Topalov, Kiril Georgiev, Ivan Chiparenov at Alexander Delchev na ang average rating ay 2678 kumpara sa 2546 ng mga Pinoy.
Sina International Masters Almira Schripchenko, Sophie Milliet, Silvia Collas at WIM Andreea Bollengier ang ilalaban ng France kontra kina WIM Catherine Perena, Janelle Mae Frayna, Jedara Docena at Jan Jodilyn Fronda.