Manila, Philippines - Magkakaroon ng pagkakataon ang Jose Rizal University at Perpetual Help na makasalo uli sa ikalawang puwesto kung mananalo sa kanilang hiwalay na laro sa 88th NCAA men’s basketball ngayon sa The Arena sa San Juan City.
May 7-3 karta ang Heavy Bombers at Altas kaya’t kung mananalo sa Mapua at Letran ayon sa pagkakasunod ay aangat sila upang pantayan ang pahingang San Sebastian na may 8-3 baraha.
Naunsiyami sa huling laro sa kamay ng Arellano, 82-85, inaasahang totodo muli ang laro ng tropa ni coach Vergel Meneses laban sa Cardinals sa ganap na alas-4 ng hapon.
Galing din sa kabiguan ang Cardinals sa kamay ng Knights, 60-72, at kailangan nilang manalo para hindi lumayo ang asam na pang-apat na puwesto.
Balikatan naman ang magaganap na tagisan sa pagitan ng Altas at Knights sa alas-6 ng gabi.
Tumibay muli ang laban ng host Knights sa pagbabalik ng 6-foot-7 center na si Raymond Almazan na lumiban sa huling pitong laro ng koponan.
Tumapos ang manlalaro na hinirang bilang Most Improved Player noong nakaraang season, na may 4 points, 6 assists at 1 block.
“Gusto kong bumalik para tulungan ang team sa kahit paanong paraan,” wika ni Almazan.