MANILA, Philippines - Bumigay ang Energen Pilipinas Under 18 team sa ikatlong yugto upang ang dikitang labanan kontra sa Korea ay nauwi sa 90-77 panalo ng huli sa knockout quarterfinals sa 22nd FIBA Asia U-18 Championship kagabi sa Buyant-Ukhaa Gym sa Ulan Bator, Mongolia.
Anim na puntos ang ginawa ni Junyong Choi sa 14-2 palitan sa kaagahan ng ikatlong yugto para layuan na ang nationals sa 63-49.
Hindi na bumitiw pa ang Koreans at ang pinakamalaking kalamangan na naitala ay 19 puntos, 85-66, sa buslo pa ni Choi.
Ang pambatong sentro ng Korea na si Jonghyun Lee ang nanguna sa kanilang koponan sa kanyang 26 puntos bukod sa 18 rebounds at 6 blocks.
Si Choi ay mayroong 17 puntos habang sina Hoon Heo at Sangjae Kang ay may 15 at 10 puntos.
Si Heo ay may apat na tres sa walong buslo para higitan ang dalawang 3-pointer lamang na ginawa ng Pilipinas.
May 19 puntos si Jerie Pingoy para sa Energen na natapos na ang laban para higitan ang fifth place na pagtatapos na naitala ng 2010 team na lumaban sa Yemen at hawak ni Eric Altamirano.
Magkakaroon ang koponan ni coach Olsen Racela ng pagkakataon na pantayan ito kung dominahin nila ang consolation round na kanilang kinabagsakan.
Nakasabay ang Pilipinas sa Koreans sa first half at nahawakan pa ang 39-37 kalamangan sa jumper ni Kris Porter.
Ngunit tinapos ng Koreans ang ikalawang yugto sa pamamagitan ng 8-2 bomba upang angkinin ang anim na puntos na kalamangan, 47-41.
South Korea 90- J.Lee 26, J. Choi 17, Heo 15, Kang 10, S. Choi 9, Cheon 7, Se. Choi 4, Park 2
Energen Pilipinas 77- Pingoy 19, Nambatac 12, Alejandro 11, Olayon 8, Cani 8, Suarez 7, Lao 4, Javelosa 4, Rivero 2, Porter 2, Babilonia 0
Quarterscores: 22-19; 47-41; 69-55; 90-77.