MANILA, Philippines - Nakuha uli ng Sandugo-San Sebastian ang husay ng laro sa ikalima at huling set para kumpletuhin ang 25-23, 25-22, 15-25, 21-25, 15-10, panalo sa Cagayan Valley sa labanan ng mga walong talong koponan sa Shakey’s V-League Open kahapon sa Ninoy Aquino Staidum.
May 16 hits si Nene Bautista kasama ang dalawang service ace at dalawang blocks upang masuportahan si Jeng Bualee na mayroong 22 hits.
“Walang duda na malakas kami individually. Pero kailangan pa namin na madevelop ang cohesiveness. Hindi naman ito nakakabahala dahil mahaba pa ang liga,” wika ni Lady Stags coach Roger Gorayeb na kinuha ang ikalawang sunod na panalo.
Ang isa pang Thai import na si Utaiwan Kaensing ay naghatid pa ng 11 puntos kasama ang dalawang blocks para ipatikim sa Rising Suns ang unang pagkatalo sa dalawang laro sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s Pizza.
‘Di tulad sa 27-25, 25-19, 25-20, straights set panalo sa first conference champion, napalaban ang Lady Stags nang higpitan ng Cagayan ang kanilang depensa para maipanalo ang ikatlo at ikaapat na sets.
Ngunit nagising ang Lady Stags at lumayo sa 14-9 bago tinapos ni Bualee ang laro sa isang kill.
Sina Thai import Satadta Chuewulim at Sandra delos Santos ay mayroong 18 hits para sa Cagayan na ininda ang pagkakaroon lamang ng 52 kills kumpara sa 60 ng kalaban.