MANILA, Philippines - Umiskor si Igee King ng 17 points para pangunahan ang 77-67 paggitla ng Emilio Aguinaldo College laban sa San Sebastian College at buhayin ang kanilang tsansa sa Final Four ng 88th NCAA basketball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Ito ang pangatlong panalo ng Generals (3-7) at ipinalasap sa Stags ang pangatlong kabiguan nito (7-3).
Ito rin ang unang tagumpay ng EAC kontra sa San Sebastian sapul nang sumali sa liga noong 2009.
Ginawa ito ng Generals nang wala si coach Gerald Esplana at sina Remy Morada at Francis Munsayac, nagsilbi ng isang one-game suspension sa kanilang inasal sa 76-61 pananaig ng EAC laban sa St. Benilde noong Agosto 4.
“Natalo kami sa kanila (San Sebastian) ng one point (93-94) last July 30. Pero ipinakita namin na kaya naming makipagsabayan sa kanila,” ani assistant coach Andy De Guzman.
Tumipa si Russell Yaya ng 18 points, habang humakot si Cameroonian import Noube Happi ng 17 points at 10 boards para sa Generals.
Pinangunahan naman ni Ian Sangalang ang Stags mula sa kanyang game-high 24 markers.
EAC 77 - Yaya 18, Happi 17, King 17, Tayongtong 11, Monteclaro 5, Jamon 3, Chiong 2, Paguia 3, Mallari 0.
SSC 67 - Sangalang 24, Dela Cruz 14, Pascual 10, Abueva 9, Maiquez 4, Antipuesto 2, Miranda 2, Juico 2.
Quarterscores: 26-11; 43-38; 58-57; 77-67.