MANILA, Philippines - Kailangang magbayad ang Sultan 900 Capital Inc. ng league franchise fee na P10 milyon bukod pa sa kanilang P100-million buyout sa Coca-Cola franchise para makakuha ng membership sa PBA.
Ito ang sinabi ni dating PBA Board chairman Mamerto Mondragon, ang Rain or Shine governor, kaugnay sa kabuuang P110 milyon na dapat ipaluwal ng Sultan 900 Capital Inc. ni Mikee Romero para makapasok sa pro league ngayong 38th season.
“P10 million is now the minimum. If the franchise sale is over P100 million, the league franchise fee is 10 percent of the total amount,” wika ni Mondragon.
Ang dating minimum franchise fee sa PBA ay P6 milyon.
Kumpiyansa si Mondragon na aaprubahan ng PBA Board ang pagbili ng Sultan sa prangkisa ng Powerade Tigers sa nakatakda nilang pulong ngayon sa PBA office sa Libis, Quezon City.
“The approval of his franchise application was not in the agenda (of our Macau meeting). But some members talked about it during the break. I think Mikee will get the needed number of votes,” ani Mondragon.
Ang two-thirds vote (anim sa siyam o pito sa 10 miyembro ng PBA Board kasama ang Powerade) ang kailangan ni Romero para maaprubahan ang kanyang pagbili sa prangkisa ng Tigers.
Tiniyak naman ni Rain or Shine co-owner Raymond Yu ang kanilang pagpabor para sa pagpasok sa liga ni Romero, gagamitin ang Global Port Batang Pier kapalit ng Powerade Tigers.
“Count us giving the first vote to Mikee,” sabi ni Yu. “Alangan naman pillin nila the league to have just nine members.”