Manila, Philippines - Binuhay uli ni Calvin Abueva ang opensa ng San Sebastian sa huling yugto upang angkinin ang 80-71 panalo sa San Beda sa unang pagkikita ng dalawang koponan na naglaban sa huling dalawang finals sa NCAA.
Pinatahimik ni Abueva ang nag-iingay na panatiko ng Red Lions na tumungo sa The Arena sa San Juan City kagabi nang umiskor ito, humablot ng rebounds at nagbigay ng mga mahahalagang assists sa fourth period para maisantabi ng Stags ang pagkawala ng 22 puntos kalamangan sa second period
Tumapos si Abueva taglay ang 21 puntos, 21 rebounds at 9 assists at ang kanyang tres at free throws ang naglayo uli sa Stags sa 66-60, matapos manakot ang Lions sa 58-59 sa pagtatapos ng ikatlong yugto.
Dalawang magagandang pasa kay Ronald Pascual at isa kay Lyle Antipuesto na nagresulta sa tatlong tres ang tuluyang nagbaon na sa back-to-back champions, 80-62.
Si Pascual ay may pitong tres tungo sa 28 puntos at tinapos ng tropa ni coach Topex Robinson ang tatlong dikit na pagkatalo sa San Beda upang sumulong sa liderato sa 7-2 karta.
Bumaba ang Lions sa 6-2 pero puwedeng sumalo sa unahan kung manalo sa Letran sa pagtatapos ng first round elimination sa 88th season sa Huwebes.
Bago ito ay nag-init si John Villarias para sa Jose Rizal University upang pamunuan ang 101-83 dominasyon sa host Letran.
Tumapos si Villarias taglay ang career-high 29 puntos habang si Nate Matute ay nagbigay pa ng 23 at ang Heavy Bombers ay bumangon mula sa nakakadismayang 37-62 pagkatalo sa kamay ng San Beda noong Agosto 4.
Sa ikalawang yugto nagsimulang pumuntos si Villarias nang maghatid ito ng 13 para ilayo ang tropa ni coach Vergel Meneses sa 48-38.
May siyam pa si Villarias sa ikatlong yugto at pinagningas ang 16-5 palitan upang ibaon na ang Knights sa 74-54 papasok sa huling yugto.
Napantayan ni Kevin Alas ang kanyang career-high na 31 puntos pero kinulang ito upang makita ng Knights na nagwakas ang tatlong dikit na panalo tungo sa 4-4 baraha.