LONDON--Hindi iiwan ni Rene Herrera ang paboritong 3000m steeplechase para sa 5000m run na kanyang tinakbuhan sa London Olympics.
Gumawa ng personal best time na 14:44.11 si Herrera sa Olympics na kanyang pakonsuwelo sa sarili dahil nangulelat siya sa 21 tumakbo.
“Ako kasi ang may pinakamagandang performance sa 5000m last year kaya ako ang ipinadala,” wika ni Herrera.
Pero babalik na siya uli sa pagsasanay sa 3000m steeplechase lalo pa’t ang sunod niyang paghahandaan ay ang Myanmar SEA Games sa susunod na taon.
Ang 33-anyos na si Herrera ay five-time defending SEA Games champion sa steeplechase at nauna siyang nanalo ay noong 2003 sa Hanoi, Vietnam.
Bago ibuhos ang sarili sa steeplechase, si Herrera ay sasali muna sa 21K International Marathon sa Korea.
“Kailangan din namin ang endurance training kaya tumatakbo ako sa 10k at 21k. Pero talagang magko-concentrate ako sa 3000m steeplechase dahil gusto kong mapabilis pa ang oras ko sa Asian Games sa Incheon (2014),” dagdag nito.
Naniniwala siyang maaabot niya ang target na pababain ang personal best na 8:49 dahil maingat siya sa katawan at laging nagsasanay.,
“May mga edad 37 o 38 na kampeon pa rin dahil nakadepende naman ito kung paano ka magsanay. Naniniwala akong kaya kong makuha ang target ko at maaaring magka-gold pa sa Asian Games. Kung mangyari ito, puwede na akong mag-retire,” pahayag pa ni Herrera.