MANILA, Philippines - Posibleng mangyari ang rematch nina Manny Pacquiao at Timothy Bradley, Jr. sa Nobyembre.
Ito ang pahayag ng legal adviser ni Pacquiao na si Franklin Gacal para sa kanyang nakatakdang pakikipagpulong kina Pacquiao at American promoter Bob Arum.
Dumating sa bansa ang Top Rank chief mula sa United States kahapon ng umaga at nakatakda siyang makipagkita sa Sarangani Congressman anumang araw.
“There’s a score to settle with Bradley,” sabi ni Gacal, hindi pa rin makapaniwala na natalo si Pacquiao kay Bradley noong Hunyo 9 sa Las Vegas.
Ayon kay Gacal, magdedesisyon na si Pacquiao para sa kanyang susunod na laban.
“It’s August. If he fights in November, he has to start training next month,” sabi ni Gacal.
Nauna nang sinabi ni Arum na kung makukuha niya ang kumpirmasyon ni Pacquiao ngayong linggo ay agad niyang kakausapin ang makakalaban nito para maitakda ang sagupaan.
Isang press tour, ayon kay Arum, ang itatakda niya sa Setyembre.
Si Bradley ang bagong WBO welterweight champion at bago pa man siya umakyat ng boxing ring kontra kay Pacquiao ay nagsasabi na siya ng rematch sa Nobyembre 10.
Nagdala si Bradley ng fake credentials at isang oversized fight ticket na may nakasulat na “rematch.”
“I think the public will still buy it. They would want to see Manny regain the title that belongs to him. Bibilihin pa rin ‘yan ng tao,” ani Gacal.