MANILA, Philippines - Determinado si Filipino lightweight prospect Mercito ‘No Mercy’ Gesta na pabagsakin si American fighter Ty Barnett sa kanilang non-title bout ngayon sa Texas Station Casino sa Las Vegas, Nevada.
Sa mga naunang panayam ay kinutya ni Barnett si Gesta.
Ayon sa 24-anyos na tubong Mandaue City, Cebu at ngayon ay nakabase sa San Diego, California na si Gesta, tuturuan niya ng leksyon ang 29-anyos na pambato ng Washington D.C.
“I like an opponent that talks like that, it just challenges me and excites me,” sabi ni Gesta, pinatulog si Oscar Cuero sa eight rounds sa kanyang huling laban noong Abril. “He better do what he says, that’s what I like.”
Sa kanilang weigh-in, tumimbang si Gesta ng 137 pounds, habang 135.5 pounds naman si Barnett.
Bitbit ni Gesta ang kanyang 25-0-0 win-loss-draw ring record kasama ang 13 knockouts kumpara sa 20-2-1 (13 KOs) card ni Barnett.
Naging tanyag ang pangalan ni Gesta nang mabanggit siya bilang posibleng kalaban nina dating WBA lightweight champion Brandon Rios at Mexican legend Juan Manuel Marquez.
Subalit hindi naplantsa ang naturang mga plano ng Top Rank Promotions ni Bob Arum.
“Sometimes I think about that people expect a lot out of me,” sabi ni Gesta. “Instead of thinking about the pressure, I’m just going to do my best. I’m just going to show them what I got and I try not to think about the pressure.”