MANILA, Philippines - Magkakasukatan ang Jose Rizal University at San Beda sa tagisan ng mga koponang may magagandang record sa pagpapatuloy ng 88th NCAA men’s basketball ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Ang laro ay itinakda dakong alas-6 ng gabi at ang mananalo ay mananatiling lider sa 10 koponang liga.
Mauunang magtatagisan ang St. Benilde at Emilio Aguinaldo College sa ganap na alas-4 ng hapon na parehong hanap ang panalong magpapainit uli sa nanlalamig na kampanya.
Mas maganda naman ang karta ng Blazers sa 3-5 baraha pero kailangan nilang manalo upang manatiling nasa gitna sa team standings na magpapalakas pa sa laban para sa puwesto sa Final Four.
Sa kabilang banda, ang Generals ang nangungulelat na koponan sa 1-7 baraha at may bitbit na pitong sunod na kabiguan.
Pero hindi maaaring biruin ang tropa ni coach Gerry Esplana dahil sa huling tatlong laro ng koponan ay natalo lamang sila ng 1.7 puntos winning margin.
May 6-1 baraha ang Heavy Bombers para ma-kasalo ang pahingang San Sebastian ngunit malalag-lag sila sa nasabing puwesto kapag natalo sa Lions na may bitbit na 5-1 baraha.
Si Nate Matute ang kamador ng JRU sa kanyang 21.3 puntos average pero kailangang hindi mawala ang suporta ng ibang kasamahan tulad nina Byron Villarias at John Lopez na naghahatid ng 11 puntos kada laro.
Sa kabilang banda, ang Lions ay huhugot ng lakas sa depensa kay Nigerian 6’8 center Olaide Adeogun na nagbibigay ng 8 puntos, 11.5 rebounds at 2.5 blocks matapos ang dalawang laro.